N29M
Ganito ang hikbi ng pananahimik
Kapag bihag ka ng gabi:
Mamimitig ang iyong bisig
ngayong kulob
sa loob ng semento
at kinakarayom ang iyong dibdib
ng dumadapong lamig
na siyang magbabadya ng paglititis
ng mga pagdaraanang pagtitiis
Nanlilisik sa kisame
ang bumbilyang
hindi kumurap-kurap,
waring iniluluwa
ang iskwadron ng lamok
na buong bangis kung lumusob
kasama ang pulutong ng ipis
na magpupulis
sa iyong pamamaluktot
sa loob ng maigsing kumot.
Nanliligalig sa iyong pandinig
ang balagtasan
ng hagok at hilik
at pasyon ng pag-utot
ng mga ka-kosang tuod
na marahas na sususupil
sa iyong pagnanasang makahimbing.
Kay panglaw ng bintanang
dumudungaw sa nakapaskil
na telon ng dilim
upang makapamingwit
maski tilamsik ng ilaw
o buntot ng bulalakaw
na maaaring makatuwang o makaulayaw
Sa pagdagta sa dingding
ng naniig na hamog at hangin,
gigisingin ang iyong damdamin
ng tamis at sabik,
hanghang at galit
ng mga aninong iyong hindi makakapiling
Mapapagulong ka sa sulok
ng pagiisip
at pipitik ang talukap ng iyong pamimikit,
waring gagambang lulundag
ang iyong mga mata
sa pagkapit sa bawat hibla
ng namumukadkad na umaga,
at magsasapot ng malapot na luha
sa bawat siwang
ng rehas na bakal
upang makalambat
ng anumang alabok ng alaala
ng anak, magulang,
kapatid, kaibigan,
pamangkin, apo,
kaibigan, kasama,
asawa o nobya.
Matatag man ang higaan
ng iyong kalooban,
huhulihin ka ng hikab
at tutugisin ka ng antok
sa gabi-gabing pagdalaw
ng ganitong mga pagsubok.
Pupuga ka para managinip sa iyong pagtulog.