Ang ating bansa ay nahahati. Ang kapayapaan, pagkakaisa at pag-unlad ay mailap sa atin sapagkat mayroon tayong pangulong walang moral at legal na otoridad na mamuno. Sa katunayan, siya na ang patuloy na banta at sagabal sa seguridad ng bansa, sa pagkakaisa, sa kabutihan at sa diwa ng pagkabansa ng samabayanang Pilipino.
Ang tunay na lider ay simbolo ng pagkakaisa at nasa unahan ng mamamayan lalo sa mga panahon ng krisis. Ang huwad na lider ay mapanghiwalay at nangungunyapit sa kapangyarihan sa kapahamakan ng lahat at ng interes ng bansa.
Ipinupuwersa ni GMA ang sarili sa ating miserableng mamamayan. Sa gayun ang rekurso ng gubyerno ay winawaldas sa pagbili ng katapatan ng kanyang mga alipures, nilalapastangan ang mga legal na institusiyon upang magmukhang may pagsang-ayon sa immoral na gubyerno, ang mga serbisyong pampubliko ay ginawang larangan ng katiwalian at korupsyon, at ang moralidad, mga pagpapahalaga, pananagutan at responsibilidad ay pawang mga pagkukunwari. Winasak at ibinasura ang mga prinsipyo ng katotohanan bilang pundasyon sa bawat kilos ng gubyerno.
Ang bansa ngayon ay nakasadlak sa malalim na kumunoy. Panunupil, korupsyon at kawalang hustisiya ang naghahari sa bansang lugmok sa karimlan. Ang republika ay kinakaladkad sa pagkakawatak-watak ng mga labanang paksyunal. Ang malaganap ng kahirapan ay nagkakait sa mamamayan ng kanilang dignidad at itinutulak ang papalaking bilang sa prostitusyon at pagpapa-alipin sa mga dayong bansa. Ang mga insidente ng kagutuman ay walang kapantay sa nakaraan at ang bansa ay lalong nababaon sa pagkaatrasado. Ang mga mamamayang dati nang mapagtiis at mapamaraan ay binabalot ngayon ng higit na pagdarahop. Lahat ng ito ay bunga ng 8 taon nang pamumunong hindi hinalal, walang hanggan sa korupsyon at mga patakaran nito ng liberalisasyon sa ekonomiya at pagbubusal sa mamamayan.
Ang sambayanang Pilipino na malaon nang pinagkakaitan ng mabuting gubyerno ay dapat nang kumilos upang bawiin ang kanilang dignidad, paalisin ang umagaw sa kanilang kapangyarihan at sumulong sa landas na kadakilaan. Aking pinaalingaw-ngaw, nang malakas at malinaw ang panawagan para sa radikal na mga pagbabago at muling pagtitindig ng bansa. Panahon na upang tayo ay hindi lamang makinig at magmasid, bagkus ay dapat na humakbang pasulong.
Ilang araw mula ngayon ay Nobyembre 30 na, Araw ng mga Pambansang Bayani. Ating muling sariwain at hawakan nang mahigpit ang mga pananaw at adhikain ng ating mga bayani at martir at bigyang katuparan ang kanilang ginintuang layunin ng Pambansang Kasarinlan.
Kailangan ng bansa ng mga lider na makabayan at handang magpakabayani sa pagtataguyod ng tunay na kasarinlan ng bawat aspeto ng buhay ng bansa. Sila ay dapat na may matibay na kapasyahang labanan ang kolonyal na kapangyarihan at mga local na alipures nitong nakakubabaw sa ating ekonomiya; itakwil ang mga mapanupil at aprang lintang patakaran sa pagbabayad ng dayuhang pautang; isulong ang pambansang industriyalisasyon, produktibidad ng agrikultura at sustinidong mga repormang agraryo, pagtiyak ng kasapatan at kasarinlan sa pagkain at enerhiya; at, pagbabalangkas ng matatag na pang-ekonomiyang programa at estratehiya na nakabatay sa prinsipyo na – ang yaman at rekurso ng bansa ay para sa kaunlaran at kapakinabangan ng mga Pilipino.
Ang kasalukuyang presidente ay kabaligtaran ng hinahangad nating pinuno. Para sa higit niyang pakinabang, handa at ginagawa ni Gloria Macapagal-Arroyo na ihain sa mga dayuhan ang soberanya at integridad ng bansang hangang sa ang republika ay pagwatak-watakin tulad sa kaso ng Bangsamoro Juridical Entity (BJE) at sa isyu ng muling pagguhit sa batayang linya ng kanlurang bahagi ng kapuluan.
Ang kasalukuyang mga pakana ng Malakanyang ay naglalayon ng pagpapalawig ng ilehitimong rehimeng GMA. Ang panalangin ni Dureza at pag-uumarte ni GMA ay sapat na nagsiwalat ng masamang layuning nito. Wala ni bahid ng hiya na mismong anak ang nangunguna sa pangangalap ng mga pirma na sa lalong madaling panahon ay magpapatibay sa buktot na pakanang ito. Sa pamamagitan ng bayaran nitong Kongreso na bumibigo sa proseso ng bawat kaso ng impeachment at ng mga tiwaling miyembro ng Korte Suprema na nasa mando nito, ang landas ay malinis para sa Malakanyang at nakataya na ang kinabukasan ng bansa. Bangungot na isiping ang tanging pag-asa natin ay ang mamatay si GMA sa katandaan.
Panahon na upang magkapit-bisig at kumilos! Sobra na, tama na!
Ika-26 ng Nobyembre 2008